Iba’t ibang aktibidad isinagawa Kasabay ng ika-87 anibersayo ng DOLE
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-87 anibersayo ng pagkakatatag ng Department of Labor and Employment, ibat ibang aktibidad ang kanilang isinagawa ngayong araw.
Kabilang na rito ang nationwide at international awarding ng TUPAD, CAMP, AKAP at iba pang tulong pangkabuhayan para sa mga kababayan nating naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Namahagi rin ang DOLE ng inisyal na sampung milyong piso sa mga lokal na pamahalaan para sa TUPAD program o Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged o Displaced Workers.
Ang mga LGU na unang makatatanggap ng pondo ay ang mga lungsod ng Maynila, Mandaluyong at Malabon.
Kabilang pa sa mga handog ng DOLE ay mga unit ng bisikleta na ipinagkaloob sa mga manggagawa para magamit nila sa bagong trabaho bilang delivery riders.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na lubos ang kanyang pasasalamat sa lahat ng mga kasamahan sa DOLE na sa kabila ng mga pagsubok na dala ng COVID-19 pandemic ay nananatiling aktibo ang ahensya para sa mga manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa.
Dagdag pa ni Bello na umaasa siya na maipagpapatuloy ang mga programa at hakbang para maisulong ang kapakanan ng mga manggagawa.
Madz Moratillo