Publiko inoobliga ng Malakanyang na gamitin ang StaySafe PH app para maiwasan ang pagkalat ng COVID -19 ngayong holiday season
Umapela ang Malakanyang sa publiko na tumulong para maiwasan ang post-holiday season COVID 19 spike sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa mga health and safety guidelines ng pamahalaan tulad ng paggamit ng opisyal na contact-tracing platform ng gobyerno na StaySafe PH.
Sinabi ni Secretary to the Cabinet at Inter Agency Task Force o IATF Co-Chairman Secretary Karlo Alexi Nograles na kailangang makipagtulungan sa tracing efforts ng gobyerno at pribadong sektor sa pamamagitan ng paggamit ng StaySafe PH system na ini-atas sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno at local governments na gamitin at itataguyod din ng lahat ng mga pribadong establisyemento.
Inihayag ni Nograles sa kasalukuyan ay may higit sa 40,000 mga establisyemento na ang nag-adopt ng StaySafe PH system.
Ayon kay Nograles inaasahang mas marami pang mga negosyo at tanggapan ng gobyerno ang gagamit sa StaySafe PH application dahil napakahalaga para sa lahat ng mga negosyo na sumunod dahil ito lamang ang contact tracing platform na naka-syncronized sa DOH Covid-Kaya system.
Idinagdag ni Nograles ang paggamit ng StaySafe PH application ay magiging pasimula sa mga Safety Seal certifications para sa mga private establishments.
Niliwanag ni Nograles ang StaySafe PH application ay maaaring gamitin ng sinumang indibidwal ang kanilang smartphone o QR code reader sa Viber upang i-scan lang ang mga QR code sa mga mall, bangko, restaurants, trains, at buses sa halip na manu-manong sulatan ang mga contact-tracing form.
Ang StaySafe PH application ay maaaring mai-download nang libre at hindi nangangailangan ng mobile prepaid load upang gumana, dahil ginawang zero rated ng mga pangunahing telco ng bansa kaya ang pag-access sa website ay libre at hindi mababawasan ang data plan o load ng isang gumagamit.
Dinevelop ang StaySafe PH application ng Multisys pagkatapos mabuo ay ibinigay na sa gobyerno ng Pilipinas at nabigyan ng sertipikasyon ng Department of Information and Communications Technology o DICT at National Privacy Commission bilang compliant sa Data Privacy Law dahil hindi kinokolekta ng system ang buong personal na impormasyon ng mga gumagamit nito.
Vic Somintac