Isang Barangay chairman sa Caloocan City, sinampahan ng reklamo ng NBI dahil sa umano’y iregularidad sa distribusyon SAP cash aid
Ipinagharap ng NBI ng mga reklamong katiwalian ang isang barangay chairman sa Caloocan City dahil sa sinasabing iregularidad sa pamamahagi ng cash assistance mula sa Social Amelioration Program o SAP ng DSWD.
Mga reklamong paglabag sa anti-graft law, code of conduct for public officials, at falsification of official documents ang isinampa ng NBI laban kay Barangay Chairman MARLON A. AQUINO ng Brgy. 02, Caloocan City.
Nag-ugat ang kaso mula sa reklamo na natanggap sa 8888 Citizen’s Complaint Hotline na ini-refer naman sa NBI Anti-Graft Division.
Batay sa sumbong, binura ni Aquino ang mga personal information ng mga SAP beneficiary na inilagay sa kanilang Social Amelioration Card (SAC) Form na isinumite at pinalitan ito para paboran o ibigay sa ibang tao ang cash aid.
Sa imbestigasyon ng NBI, nabatid na hindi nakatanggap ang ilang residente ng Brgy.02 ng kanilang SAP cash aid at personal na kopya ng kanilang SAC forms, at ito ay ibinigay sa iba na hindi naman qualified beneficiaries.
Nadiskubre na ang SAC form na sinagutan ng isa sa mga complainants ay ibinigay sa isang ACE PATRICK FELIX PAGSANHAN, na anak naman ng
barangay treasurer ng Brgy. 02. na si RODA FELIX PAGSANHAN,
Gayundin, ang isa pang SAC form na sinagutan ng isa sa mga testigo ay muling inisyu ng barangay chairman sa isang ARCHIE MENDOZA na kapatid ni ARLENE ANGELES na Brgy. Kagawad sa Brgy. 02,Caloocan.
Moira Encina