COVID-19 vaccine hindi kayang makapagbigay ng 100% protection laban sa virus
Aminado ang isang opisyal ng Department of Health na kahit mabakunahan laban sa COVID-19 ay walang kasiguruhang hindi na tatamaan ng virus ang isang indibidwal.
Paliwanag ni Health Usec Ma Rosario Vergeire, wala pa naman talagang bakuna na nagbibigay ng 100 porsyentong proteksyon mula sa mga sakit. Inihalimbawa nito ang bakuna laban sa tigdas.
Kapag ang isang bata ay nabigyan ng unang dose ng bakuna, mayroon nansyang 93 percent na proteksyon, habang kung mabibigyan pa sya ng ikalawang dose ng bakuna ay magkakaroon na ito ng 97 percent ma proteksyon laban sa tigdas.
Sa polio vaccine naman aniya, kung makakatanggap ang isang bata ng 3 dose ng bakuna ay magkakaroon ito ng 99 percent protection laban sa sakit.
Paliwanag ng opisyal ang bakuna ay pumipigil na magkaroon ng malalang kumplikasyon ng impeksyon o sakit.
Gaya nalang aniya halimbawa ng bakuna para sa bulutong, na bagamat nagkakaroon parin ng bulutong ang ilang bata ito ay mild lamang.
Muli namang tiniyak ni Vergeire na bago aprubahan ang bakuna para sa COVID-19 ay pag aaralan itong mabuti para masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Ang unang batch ng bakuna para sa COVID-19 ay inaasahan sa katapusan ng unang quarter ng 2021.
Madz Moratillo