Biden at Harris, pinangalanan ng Time na ‘Person of the Year’
NEW YORK, United States (AFP) – Pinangalanang 2020 “Person of the Year” ng Time magazine, si US President-elect Joe Biden at Vice President-elect Kamala Harris, para sa kanilang pagkakapanalo sa halalan.
Paliwanag ng Time kung bakit si Biden at Harris ang kanilang napili, “For changing the American story, for showing that the forces of empathy are greater than the furies of division, for sharing a vision of healing in a grieving world.”
Ang Democratic pair ay pinili sa tatlong iba pang finalists na kinabibilangan ng frontline health care workers at ni Anthony Fauci, ng racial justice movement at ni US President Donald Trump.
Sa magazine cover ng Time, ay makikita ang larawan ng 78-anyos na si Biden at ng 56-anyos na si Harris, na may subtitle na “Changing America’s story.”
Pahayag ng Time magazine patungkol kay Biden at Harris, “Together, they offered restoration and renewal in a single ticket. And America bought what they were selling.”
Nanalo si Biden sa eleksyon nang makakuha ng 306 electoral college votes laban sa 232 ni Trump, para tapusin ang isang termino ng real estate tycoon-turned-politician’s presidency ni Trump.
Si Biden ay nakakuha ng halos pitong milyong higit na boto kaysa sa katunggali niyang Republican na ayaw pa ring mag-concede, at nag-aangkin pa na nagkaroon ng malawakang dayaan sa November 3 Presidential election, subalit wala namang maipakitang ebidensya.
Ang naturang Time magazine award na ibinibigay taun-taon mula noong 1927 ay nagbibigay parangal sa tao o mga taong sa mabuti o masamang paraan ay higit na naka-apekto sa mga balita sa taong iyon.
Nang tanungin ng Time kung ano ang nais niyang masabi ng mga tao tungkol sa kaniya pagkatapos ng apat na taon sa White House, sinabi ni Biden na, “That America was better off and average Americans are better off the day we left than the day we arrived. That’s my objective.”
Si Harris naman ang kauna-unahang Vice President-elect na pinarangalan bilang Person of the Year.
Sa panayam sa kaniya ng Time, sinabi ni Harris na kailangang harapin ng Biden administration ang maraming isyu mula sa White House, kabilang na ang pandemya, isang “economic crisis” at isang napakatagal nang problema sa racial justice.
Aniya, dapat ay magawa nilang mag-multitask, tulad ng nagagawa ng sinumang magulang o sinumang tao.
Samantala, nanguna naman sa isang readers’ poll tungkol sa kung sino ang dapat pangalanang Person of the Year, ang mga essential worker na nasa frontline laban sa coronavirus pandemic, gaya ng mga doktor, nurse at grocery store employees.
Nitong Huwebes ay una nang pinangalanan ng Time ang basketball superstar na si LeBron James bilang Athlete of the Year, para sa kaniyang achievements sa loob at labas ng basketball court.
Ang 35-anyos na Los Angeles Lakers player ay pinarangalan para sa paglaban sa voter suppression sa kalipunan ng Black citizens.
Pinangalanan namang Entertainer of the Year, ang K-Pop sensation na BTS.
© Agence France-Presse