Availability ng COVID-19 vaccine supply pangunahing problema ng Pilipinas ayon sa Malakanyang
Aminado ang Malakanyang na pangunahing problema ng Pilipinas ang availability ng supply ng COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, nakakontrata na sa mga mayayamang bansa ang na-produced na bakuna dahil sila ang namuhunan kahit noong nasa developmental stage pa lamang ang COVID 19 vaccine.
Ayon kay Roque sinisikap ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na makakuha ng supply sa China na gumawa ng Sinovac vaccine.
Inihayag ni Roque target ni Secretary Galvez na ang unang bakuna na magagamit ng Pilipinas sa unang quarter ng susunod na taon ay ang Sinovac.
Niliwanag ni Roque na naayos na ang pondong gagamitin sa pagbili ng COVID-19 vaccine dahil pumayag na ang Asian Development Bank at World Bank na maging financial sponsor ng Pilipinas sa pagbili ng bakuna sa ilalim ng isang loan agreement.
Vic Somintac