Canada, sinimulan na ang unang pagbibigay ng COVID-19 vaccine
MONTREAL, Canada (AFP) — Isang caregiver sa Ontario at isang octogenarian sa Quebec, ang unang nabakunahan laban sa COVID-19 sa Canada.
Si Anita Quidangen ay napapanood sa telebisyon habang binabakunahan sa isang ospital sa Toronto, bilang bahagi ng isang major vaccination campaign sa Canada, walang isang linggo matapos mabigyan ang Pfizer-BioNTech shot ng approval.
Ang 89-anyos na babae naman na si Gisele Levesque, ay binakunahan ng mas maaga ng ilang minuto kaysa kay Anita sa isang retirement home sa Quebec City, subalit ayon sa Quebec Health Minister na si Christian Dube, hindi ito napanood sa telebisyon.
“I’m okay,” ito ang sinabi ni Quidangen sa mga kasapi ng media.
Dagdag pa ni Qquidangen, na kawani sa isang long-term care center for seniors sa Toronto, sabik na siyang agad na mabigyan ng bakuna.
Binati naman ni Dr Kevin Smith, presidente ng University Health Network sa Toronto, ang unang limang caregivers na nabigyan ng bakuna.
Ang Ontario, na pinakamataong probinsya sa Canada at isa sa pinakagrabeng tinamaan ng pandemya, ay nakapagtala ng 1,940 bagong mga kaso at 23 namatay dahil sa coronavirus, hanggang nitong Lunes.
Ang Ontario ay inaasahang magbibigay ng susunod na doses sa nursing home workers bilang prayoridad.
Nakatakda ring bakunahan ng Quebec ang staff at residents ng dalawang retirement homes sa Montreal at Quebec City.
Sa dalawang nabanggit na lugar, karamihan sa mga nasawi sa first wave ng virus ay mula sa retirement homes.
Ang Canada, na ikatlong bansa na nagbigay ng approval sa Pfizer vaccine kasunod ng United Kingdom at Bahrain, ay inaasahang makatatanggap ng hanggang 249,000 doses sa pagtatapos ng Disyembre ngayong taon.
Inaasahanaccelerate naman ng mga awtoridad na matanggap ang anim na milyong doses ng Pfizer at Moderna vaccines, na naghihintay pa ng approval, sa unang quarter ng 2021.
Una nang ipinangako ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau, na karamihan sa kanilang mga mamamayan ay dapat nabakunahan na pagdating ng September 2021.
Lumitaw sa isang online survey na kinapalooban ng 1,603 Canadians na ginawa ng Angus Reid Institute mula December 8 – 11, na halos isa sa dalawang Canadians (48 percent) ang nais magpabakuna ng mas maaga hanggat maaari, mas mataas ng 40 kumpara noong isang buwan.
Isa naman sa pitong Canadians (14 percent) ang ayaw magpabakuna.
Ang second wave ng pandemic ay bumilis sa mga nakalipas na linggo sa magkabilang panig ng Canada, kung saan 464,313 mga kaso ng coronavirus at 13,479 pagkamatay ang naiulat nitong Lunes.
© Agence France-Presse