COVID-19 cases sa NCR, posibleng umabot ng 4,000 kada araw sa Enero
Nagbabala ang Department of Health sa posibilidad ng tinatawag na holiday surge o pagsirit ng mga kaso ng COVID- 19 cases sa bansa kung hindi mag- iingat ang publiko.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, maaaring umabot sa 4 na libong kaso ng virus infection kada araw ang maitala sa National Capital Region sa Enero at mapuno ang mga ospital kung mangyayari ito.
Inihalimbawa ni Vergeire ang nangyari sa Estados Unidos at Canada kung saan matapos ang kanilang Thanksgiving celebration ay mas tumaas pa ang mga naitalang COVID-19 cases.
Paliwanag ni Vergeire, nitong nakalipas na 3 linggo, tumaas ang prosyento ng mga lumalabas ng bahay kung saan ang pinakamarami ay mga namimili.
Kung hindi maiwasang lumabas ng bahay mahalagang sundin lahat ng component ng minimum health standards para maiwasan ang transmission ng virus.
Kasama rito ang pagsusuot ng face mask, face shield, physical distancing at regular na paghuhugas ng kamay.
Ayon kay Vergeire , sa ngayon ay patuloy ang pagtaas ng naitatalang kaso ng virus infection sa NCR na nanganganib magkaroon ng surge kung hindi maaaksyunan.
Sa NCR ang reproduction number ng virus dati ay 8 lamang pero ngayon ay nasa 1 na.
Ang reproduction rate ay ang bilang ng nahahawa mula sa isang COVID-19 positive.
Kalahati aniya ng mga lungsod sa NCR ay nakitaan ng pagtaas ng kaso habang ang kalahati ay bumagal ang improvement.
Maliban rito, nakitaan na rin ng pagtaas ng COVID-19 cases ang regions 1, 2 at Cordillera Administrative Region.
Madz Moratillo