P4.5 -T 2021 proposed national budget, bubusisiin muna ni Pangulong Duterte bago pirmahan – Malacañang
Agad na isasailalim sa pagsusuri ng Office of the President ang pinal na bersiyon ng 2021 proposed national budget na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso sa sandaling makarating sa Malakanyang.
Ito ang pahayag ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque matapos lagdaan nina House Speaker Lord Allan Velasco at Senate President Vicente Sotto III ang Bicameral Conference Committee report ng national budget.
Sinabi ni Roque ugali ni Pangulong Duterte na suriing mabuti ang bawat probisyon ng national budget bago pirmahan.
Ayon kay Roque handang gamitin ng Pangulo ang kanyang line veto power kapag may nakitang probisyon ng national budget na lalabag sa Saligang Batas.
Inihayag ni Roque nakapaloob sa 2021 national budget ang 72.5 bilyong pisong pondo na ipambibili ng bakuna laban sa COVID 19.
Niliwanag ni Roque na bago matapos ang holiday season ay pirmado na ni Pagulong Duterte ang 2021 national budget.
Kaugnay nito, ipinaabot ng Malakanyang sa dalawang kapulungan ng kongreso ang pasasalamat sa pagpapatibay ng National budget para sa susunod na taon.
Vic Somintac