EO na nag-aatas sa pagpapatupad ng advanced passenger info system, welcome sa Bureau of Immigration
Malugod na tinanggap ng Bureau of Immigration (BI), ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa implementasyon ng isang advanced passenger information (API) system.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente, na sa pamamagitan ng API system kung saan ang kapitan, master o agent, o may-ari ng isang commercial carrier ay makapagta-transmit na ng electronic information sa BI bago umalis o dumating ang isang pasahero, sa alinmang Philippine port of entry sa ilalim ng Executive Order No. 122, ang ahensya ay makapagsasagawa na ng security vetting ng international travelers ng mas maaga, upang maging mas mabisa at mabilis ang proseso ng pag-alis at pagdating ng mga lehitimong manlalakbay sa panahon ng paunang inspeksyon.
Ayon sa BI, kabilang sa impormasyon ang flight details, pangalan, petsa ng pagsilang, kasarian, pagka-mamamayan at travel document data.
Sinabi ni Morente, na ang bagong sistema ay makatutulong din na mapaluwag ang mga paliparan at mapagaan ang pagsasagawa ng immigration formalities para sa mga pasahero, dahil ang pag check-in ng inbound passengers ay gagawin na sa kanilang ports of origin.
Sa ganitong paraan, ang mga pasaherong may derogatory records ay hindi na papayagan ng airlines na sumakay sa kanilang eroplano.
Dagdag pa niya, ang bagong sistema na ginagamit na rin sa iba pang mga bansa gaya ng Canada, Estados Unidos at Australia, ay makatutulong din sa BI para mahigpit na ma-monitor ang galaw ng mga miyembro ng hinihinalang illegal syndicate, na kasama sa alert lists ng international intelligence agencies.
Aniya, sa pamamagitan ng naturang EO, ang bansa ay maililigtas laban sa mga fugitives, terrorists, transnational criminals at iba pang undesirable aliens, na magtatangkang pumasok sa Pilipinas.
Sinabi pa ng opisyal na bilang pagsunod sa EO, sa lalong madaling panahon ay magtatatag ang BI ng isang technical working group na bubuuin ng mga kinatawan mula sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor, para gawin ang implementing rules and regulations (IRR) ng API.
Ayon naman kay Candy Tan, BI Port Operations Division Chief, binigyan sila ng 60-araw para tapusin ang IRR kaya kailangan na nilang pulungin ang technical working group.
Liza Flores