Tagumpay at kabiguan ng pagbili ng Covid-19 vaccine, pananagutan ni Secretary Galvez- PRRD
Niliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanang Filipino na isang tao lamang ang pinagkatiwalaan niya ng pagbili ng anti-COVID 19 vaccine na gagamitin ng bansa.
Sa kanyang regular weekly Talk to the People, sinabi ng Pangulo na walang ibang mananagot sa tagumpay at kabiguan sa pagbili ng bakuna laban sa COVID 19 kundi si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez.
Ayon sa Pangulo magsisimula at magtatapos kay Secretary Galvez ang usapin sa pagbili ng COVID 19 vaccine.
Ginawa ng Pangulo ang paglilinaw matapos pumutok ang isyu na si Health Secretary Francisco Duque III ang may pagkukulang kaya hindi natuloy ang pagbili ng Pilipinas ng 10 milyong doses ng bakuna na gawa ng Pfizer na nakatakda sanang dumating sa bansa sa Enero ng susunod na taon matapos maisara ang kasunduan nina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Philippine Ambassador to Washington Jose Romualdez at US Secretary of State Mike Pompeo.
Ang naturang isyu ang dahilan kaya maging ang mga kaalyado ni Pangulong Duterte tulad ni Senador Manny Pacquiao ay hinihiling ang pagsibak kay Duque subalit patuloy na pinagtitiwalaan ng Chief Executive ang kalihim.
Vic Somintac