Tatlompung dagdag na PUV, nagsimula nang bumiyahe
Nagsimula nang bumiyahe nitong Lunes, ang 30 pang dagdag na public utility vehicles (PUV).
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 15 modern public utility jeepneys (MPUJs) at 15 UV express units ang pinayagan nang bumiyahe, base sa Memorandum Circular 2020-083 na inisyu noong Miyerkoles ng nakalipas na linggo.
Pahayag ng LTFRB, ang MPUJs ay tatakbo sa ruta ng Rodriguez Sub-urban – SM North EDSA, habang ang UV express units naman ay tatakbo sa ruta ng San Rafael – Cubao, Quezon City.
Ayon sa ahensya, ang roadworthy PUVs lamang na mayroong existing Certificates of Public Convenience (CPC) o Applications for Extension of Validity ang nangangailangan ng isang Personal Passenger Insurance Policy.
Maaaring i-download ng bawat operator ang kinakailangang QR code, sa halip na special permit, mula sa official website ng LTFRB (https://ltfrb.gov.ph/).
Pinaalalahanan naman ng LTFRB ang mga operator, driver, at pasahero na sundin ang kinakailangang health and safety protocols.
Liza Flores