Pagbabawal sa pagpasok sa Pilipinas ng mga galing United Kingdom dahil sa napabalitang bagong strain ng COVID-19, pinag-iisipan na ng Malakanyang
Ikinokonsidera ng Malakanyang ang pagbabawal na makapasok sa bansa ang mga galing ng United Kingdom dahil sa napabalitang nagkaroon ng mutation ng COVID-19 doon at mabilis itong kumakalat.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na aabisuhan ng Malakanyang ang Department of Transportation o DOTr dahil sila ang nakakasakop sa mga paliparan sa bansa upang makapagsagawa ng ebalwasyon.
Ayon kay Roque sa ngayon ay mahigpit naman ang protocol na ipinatutupad sa mga paliparan lalo na ang mga inbound passenger na galing ng ibang bansa.
Inihayag ni Roque , hindi basta nakakapasok sa bansa ang mga galing abroad dahil kailangan silang dumaan sa mahigpit na health screening kasama na dito ang pagsasailalim sa swab test at quarantine.
Niliwanag ni Roque na tinitiyak ng Department of Health o DOH batay sa ulat ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM na hindi pa nakakapasok sa bansa ang sinasabing bagong strain ng COVID-19 na nakita sa Untied Kingdom.
Batay sa report ilang mga bansa na ang nagpapatupad ng travel ban ng mga pasaherong galing ng United Kingdom dahil sa pangambang makapasok ang bagong strain ng COVID 19.
Vic Somintac