Pagtaas sa kontribusyon ng SSS members, magsisimula na sa Enero ng susunod na taon
Nakatakdang tumaas ang kontribusyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS), sa Enero ng susunod na taon.
Ayon sa Department of Finance (DOF), at Social Security Commission (SSC), ang bagong SSS contribution rate ay magpapataas sa benepisyo para sa mga miyembro at kanilang mga benepisyaryo, at magpapatatag sa pension fund.
Ang dagdag kontribusyon na magsisimula sa January 2021, ay katumbas ng one percent increase sa monthly contribution rate ng SSS members.
Ibig sabihin, mula sa kasalukuyang 12 percent sa sweldo ng isang SSS member ay magiging 13 percent na ang SSS monthly contributions, ngunit hindi naman ito lalampas sa itinakdang maximum monthly salary credit (MSC).
Ang MSC ang determining factor para sa mga kontribusyon at benepisyo na nakabase sa buwanang sweldo ng isang miembro.
Pagdating ng 2025, ay magkakaroon na ng full implementation ng restructured rates at iba pang repormang itinakda sa Republic Act (RA) No. 11199 o ang Social Security Act (SSA) of 2018.
Sinabi ni Finance Secretary at SSC Chairman Carlos Dominguez, na sa pamamagitan ng SSA ng 2018, ay inilunsad ng SSS noong 2019 ang Unemployment Benefit para sa mga miyembrong nawalan ng trabaho, at pinalawig ang MSC cap para sa computation ng mga benepisyo hanggang P20,000.
Umaasa si Dominguez, na makikita ng SSS members ang mas mataas nilang buwanang kontribusyon, bilang savings at safety net laban sa mga gastusin sa hinaharap gaya ng pagkakasakit, maternity, disability, unemployment, old age, at kamatayan, o iba pang mga pangyayari na maaaring resulta ng kawalan ng pagkakakitaan.
Ang restructuring ng SSS contribution rate, kasama ng minimum at maximum MSCs, ay kabilang sa mga probisyon ng RA No. 11199.
Liza Flores