Mahigit 94 na porsyento ng mga reklamong dumaan sa 8888 hotline, naresolba ng Bureau of Customs
Sinabi ng Bureau of Customs (BOC), na naresolba nila ang 94.41 percent ng mga reklamong itinawag sa hotline number 8888 ng Malacañang.
Sa isang pahayag, ay sinabi ng ahensya na naresolba ng kanilang Customer Assistance and Response Service at iba pang kinauukulang mga tanggapan, ang kabuuang 270 mula sa 286 reklamo, base sa 8888 agency statistics, mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.
Sampung pending complaints ang naresolba rin nitong Nobyembre, habang ang nalalabing anim na complaint o 2.1 percent ng kabuuan ay naghihintay na lamang ng feedback.
Ayon sa BOC, sa kaparehong peryodo ay nakapagproseso rin sila at naresolba ang 100 percent ng mga inquiry kaugnay ng iba’t-ibang isyu na idinaan naman sa Customer Care Portal System (BOC Portal).
Katumbas ito ng 520,507 inquiries.
Kabilang sa mga naresolba ay mga inquiry tungkol sa online filing, accreditation, balikbayan box, at iba pa.
Dagdag pa ng ahensya, napanatili rin ng BOC ang average response time na 0.84 day per ticket, at average resolution rate ng 4.31 days.
Liza Flores