Suspek sa pagdukot sa tatlong dayuhan at isang pinay noong 2015 sa Samal Island, nahuli sa Maynila
Naaresto na ang isang suspek sa pagdukot sa tatlong dayuhan at isang Filipina noong 2015, kung saan dalawa sa mga ito ang pinugutan ng ulo.
Banggit ang mga ulat mula kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Police Major General Vicente Danao, Jr., sinabi ng Philippine National Police (PNP) na si Ehan Aklul na may alias na Khalid Akhalul at Abu Khalid, ay nahuli mula sa inuupahan nito sa ikalimang palapag ng isang gusali sa Carlos Palanca St., Brgy. 648, San Miguel, Maynila.
Sinabi ni PNP Chief Gen. Debold Sinas, na si Aklul ay may warrant of arrest na inisyu noong 2016 ng Regional Trial Court, 11th Judicial Region Branch 34 ng Panabo City para sa kasong kidnapping with homicide.
Ayon sa PNP, si Aklul ay sangkot sa pagdukot sa Canadian nationals na sina John Ridsdel at Robert Hall; Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, at isang nagngangalang Tess, isang Filipina noong September 21, 2015.
Ang mga biktima ay inilipat sa Samal mula sa Sulu, habang ongoing ang negosasyon para sa kanilang paglaya.
Kalaunan, pinugutan ng ulo ang dalawang Canadians habang pinalaya naman noong 2017 ang Norwegian at ang pinay.
Naaresto rin sa isinagawang operasyon ang 30-anyos na si Mohammad Amara dahil sa pag-iingat ng dalawang hand grenades, isang detonating cord, at isang blasting cap sa loob ng kanilang inuupahan.
Liza Flores