Malaking bahagi ng bansa, inuulan ngayong araw dahil sa trough ng LPA
Dalawang Low Pressure Area (LPA) ang binabantayan ng Pag-Asa DOST sa loob ng Philippine Area of Responsibility.
Ayon sa Pag-Asa, ang trough ng mga sama ng panahon na ito ang nagdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong araw.
Huling namataan ang isang LPA sa layong 55 kilometers West Southwest ng Puerto Princesa city, Palawan.
Habang ang ikalawang LPA ay huling namataan sa layong 95 kilometers Silangan ng Catarman, Northern Samar.
Pero mababa pa rin ang tsansa na maging ganap na bagyo ang dalawang weather system na ito sa susunod na 24 oras.
Partikular na nakararanas ng mga pag-ulan ang Metro Manila, Aurora, Bulacan, mga rehiyon ng Calabarzon, Mimaropa, at Bicol.
Dahil naman sa epekto ng Amihan o Northeast Monsoon ay makararanas ng mga paminsang pag-ulan ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative region.
Samantala, ang Zamboanga Peninsula at Caraga region ay makararanas ng mga pag-ulang epekto ng trough ng LPA.
Habang sa nalalabing bahagi naman ng Mindanao ay maaliwalas na panahon ang iiral pero posible ang mga thunderstorms sa dakong hapon o gabi.