Pagbubulgar ng pangalan ng mga kongresista na umano’y sangkot sa kurapsyon hindi diversionary tactics
Nanindigan ang Malakanyang na hindi diversionary tactics ang ginawang pagbubulgar ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pangalan ng mga kongresista na umanoy sangkot sa korapsyon sa pamahalaan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sagutin na lamang ng mga kongresista ang isyu dahil binibigyan naman sila ng pagkakataon na linisin ang kanilang mga pangalan.
Ginawa ni Roque ang pahayag dahil inaakusahan ng 9 na kongresista ang Malakanyang na gustong ilihis ng administrasyon ang isyu tungkol sa pag-amin ni Pangulong Duterte na nauna ng tumangap ng anti COVID-19 vaccine ang mga sundalo partikular ang mga miyembro ng Presidential Security Group o PSG kasama ang ilang miyembro ng gabinete.
Ang naturang isyu ay umani ng ibat-ibang reaksyon dahil hindi pa rehistrado sa Food and Drug Administration o FDA ang Sinopharm vaccine ng China na ginamit.
Ayon kay Roque walang nalabag na batas maging ang order of priority ng pamahalaan sa mga dapat na tumanggap ng bakuna laban sa COVID-19 dahil walang pera ng bayan na ginastos sapagkat ang Sinopharm vaccine ay galing umano sa isang donor na hindi pinapangalanan ng Malakanyang.
Sagot din ito ni Roque sa mga lumalabas na reaksyon na napag-iwanan ang mga medical front liners na dapat unang tumanggap ng anti COVID 19 vaccine.
Hindi rin masagot ni Roque kung papaano nailusot sa bansa ang Sinopharm vaccine na ginamit sa mga sundalo at ilang miyembro ng gabinete.
Vic Somintac