Desisyon ng PNP na i-dismiss ang siyam na pulis na nakapatay sa Army personnel, pinuri ni Lorenzana
Malugod na tinanggap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang desisyon ng Philippine National Police, na i-dismiss ang siyam na pulis na sangkot sa pamamaril sa apat na Army personnel sa Jolo, Sulu nitong nakalipas na taon.
Sa isang pahayag ay nakisimpatiya rin si Lorenzana sa pamilya nina Police Senior Master Sergeant Abdelzhimar H Padjiri, Police Master Sergeant Hanie U. Baddiri, Police Staff Sergeant Iskandar I. Susulan, Police Staff Sergeant Ernisar P. Sappal, Police Corporal Sulki M. Andaki, Patrolman Mohammad Nur E. Pasani, Police Staff Sergeant Almudzrin M. Hadjaruddin, Patrolman Alkajal J. Mandangan, at Patrolman Rajiv G. Putalan, na aniya ay mga biktima rin gaya ng pamilya ng Army intelligence personnel, na ang dalawa ay opisyal, na napatay.
Ayon kay Lorenzana, umaasa sila na ang AFP at PNP ay matututo na sa insidente at gagawa ng konkretong hakbang para maiwasang maulit muli ang pangyayari.
Nitong Biyernes ay sinabi ni PNP Chief Debold Sinas, na inaprubahan na niya ang dismissal ng siyam na pulis na bumaril at nakapatay kina Major Marvin Indammog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Jaime Velasco at Corporal Abdal Asula sa Barangay Walled noong June 29, 2020.
Ang mga nabanggit na Army personnel ay nasa isang misyon para kilalanin ang suicide bombers, nang pigilan sila sa isang police checkpoint.
Nagpakilala ang mga ito na sila ay Army personnel, subalit sila ay sinabihan na kailangan pa nilang magpakita ng dagdag na berepikasyon sa istasyon ng pulis.
Ayon sa isang police report, tinangka ng mga tauhan ng Army na tumakas at tinutukan ng baril ang mga pulis na nagbunsod para magpaputok ang mga ito.
Gayunman, nagsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation, para sa four counts of murder at planting of evidence noong July laban sa mga nabanggit na pulis.
Ayon kay Sinas, ang naturang mga pulis ay pababalikin na sa kani-kanilang pamilya, sampung araw matapos maisapinal ang dismissal.
Liza Flores