DOJ inirekomendang kasuhan ng Murder at Planting of Evidence ang 9 na Pulis na sangkot sa Jolo shooting na ikinamatay ng apat na Sundalo
Pinakakasuhan sa Korte ng DOJ Panel of Prosecutors ang siyam na pulis na dawit sa Jolo, Sulu shooting noong Hunyo ng nakaraang taon na ikinasawi ng apat na Army Intelligence officers.
Ayon sa resolusyon ng DOJ panel, nakitaan ng probable cause para sampahan ng apat na counts ng murder at planting of evidence ang siyam na Jolo policemen.
Kinilala ang mga inirekomendang kasuhan na sina: PSMS Abdelzhimar H. Padjiri, PMSg. Hanie U. Baddiri, PSSg. Iskandar I. Susulan, PSSg. Ernisar P. Sappal, PCpl. Sulki M. Andaki, Pat. Moh Nur E. Pasani, PSSg. Admudzrin M. Hadjaruddin, Pat. Alkajal J. Mandangan, at Pat. Rajiv G. Putalan.
Sinabi ng DOJ na ang pagpatay sa mga biktima ay treachery dahil ang mga ito ay walang armas, unsuspecting, at wala sa posisyon para idepensa ang sarili nang sila ay barilin.
Nakasaad pa sa resolusyon na batay sa autopsy at post-mortem examination na namatay ang mga biktima dahil sa mga tinamong tama ng baril sa likod ng kanilang katawan.
Nagtugma rin ang mga narekober na basyo ng mga bala sa crime scene at sa katawan ng mga biktima sa mga armas ng mga akusadong pulis at hindi sa mga sundalo.
Sinabi rin ng DOJ na sinadyang inilagay o tinanim ng mga akusado ang armas malapit sa kaliwang kamay ng biktimang si Major Marvin Indammog na right handed para pagtakpan ang sadyang pagpaslang sa mga biktima.
Negatibo rin ang resulta sa gun powder test sa kamay ng sundalong biktima.
Samantala, ibinasura ng piskalya ang reklamong neglect of duty kina Sulu provincial police chief PCol. Michael Bawayan, Jr.,Jolo police chief PMaj. Walter W. Annayo at Sulu Provincial Drugs Enforcement Unit chief PCpt. Ariel J. Corcino.
Ayon sa DOJ, sa ilalim ng EO 226 ang mga nasabing police superiors ay ipaghaharap ng administratibong pananagutan.
Moira Encina