Nets star Durant, hindi makapaglalaro dahil sa COVID protocols ng NBA
NEW YORK, United States (AFP) – Hindi na makapaglalaro ang Brooklyn forward na si Kevin Durant sa laban ng Nets kontra Utah Jazz ngayong Martes, bilang pagsunod sa COVID-19 health and safety protocols ng NBA.
Sa injury report ng Nets nitong Lunes ay nakalista si Durant na out na sa game, subalit walang ibang ibinigay na detalye.
Layon ng panuntunan ng liga na bawasan ang pagkalat ng coronavirus, kayat required ang mga manlalaro na i-isolate ang sarili kapag sila ay nagpositibo o kaya nagkaroon ng inconclusive test result, o kung lumitaw sa contact tracing na nagkaroon sila ng close contact sa sinumang infected ng COVID-19.
Sa report naman ng Athletic, si Durant ay inatasang mag-self quarantine dahil lumabas sa contact tracing na nagkaroon siya ng potential exposure.
Nitong Abril ng nakalipas na taon, ay kinumpirma ng two-time NBA Finals MVP, na nahawaan siya ng virus.
Si Durant ay hindi na nakapaglaro sa lahat ng games ng nakalipas na season, dahil nagpapagaling pa sa tinamong injury nang mapunit ang kaniyang Achilles tendon.
Mula naman nang bumalik sa Nets ngayong season, si Durant ay nakapaglaro na sa anim na games at naka-average 28.2 points at pitong rebounds bawat game.
© Agence France-Presse