Paggamit ng saliva COVID- 19 test kit pinaaapura na ng Malakanyang
Pinamamadali na ng Malakanyang ang paggamit sa bansa ng saliva test kit para sa COVID-19.
Sinabi ni National Task Force Deputy Chief Implementer at Testing Czar Secretary Vince Dizon na pinaaapura na sa regulatory agency ng Department of Health o DOH ang pagbibigay ng otorisasyon sa paggamit ng COVID 19 saliva test kit.
Ayon kay Dizon napatunayan na sa US na 99 percent ang accuracy ng COVID 19 saliva test kit kaya hindi na dapat pang patagalin ang paggamit nito sa bansa.
Inihayag ni Dizon mas mababa ang presyo ng COVID-19 saliva test kit kumpara sa RT PCR swab test at madali itong gamitin.
Naniniwala si Dizon na sa sandaling magamit na sa susunod na linggo ang COVID 19 saliva test kit lalong tataas ang testing capacity ng bansa.
Idinagdag ni Dizon target ng pamahalaan na maisailalim sa COVID-19 test ang 10 milyong mamamayan hanggang sa pagtatapos ng first quarter ng taon dahil sa kasalukuyan ay nasa 6.8 milyon pa lamang ang naisailalaim sa COVID 19 test.
Vic Somintac