Report ng Anti Money Laundering Council ukol sa mahigit P100M child porn transactions, aaksyunan ng Inter Agency Council Against Trafficking
Tiniyak ng Department of Justice o DOJ na aaksyunan ng Inter- Agency Council Against Trafficking o IACAT ang ulat ukol sa pagtaas ng bilang ng insidente ng child pornography at exploitation sa bansa.
Ito ay kasunod ng inilabas na report ng Anti Money Laundering Council na nagsasabing umabot sa mahigit Php 113-M ang child porn transactions sa bansa sa unang anim na buwan pa lang ng 2019.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hihilingin niya sa AMLC na mabigyan ang DOJ ng kopya ng report nito.
Ipaaabot naman anya ang nasabing isyu sa IACAT para sa kaukulang aksyon.
Pero, nilinaw ni Guevarra na sa mga nakaraang taon ay madami ng mga kaso ang kanilang naisampa sa korte at nakakuha rin sila ng maraming convictions laban sa mga child predators.
Batid anya ng IACAT ang mga lugar kung saan marami ang biktima na kadalasan ay poverty-stricken areas at kung saan bansa naman nakabase ang mga suspek.
Sinabi ni Guevarra na tumaas sa nakaraan ang insidente ng sexual exploitations sa mga kabataan bunsod na rin ng kahirapan na pinalala ng pandemya.
Moira Encina