Pamahalaan magsasagawa ng massive information campaign para mahikayat ang publiko na tanggapin ang anti COVID- 19 vaccine – Malakanyang
Maglulunsad ng massive information campaign ang pamahalaan para mahikayat ang publiko na tanggapin ang anti COVID-19 vaccine na bibilhin ng bansa.
Ito ang inihayag ni National Task Force Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez matapos lumabas ang survey ng OCTA Research Team na 25 percent lamang sa mga taga Metro Manila ang gustong magpabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Galvez gagamitin ang communications group ng pamahalaan sa pangunguna ng Presidential Communications Operations Office at mga attached agencies nito para bigyan ng tamang impormasyon ang publiko tungkol sa kahalagahan at kaligtasan ng anti COVID-19 vaccine.
Inihayag ni Galvez tiniyak ng mga vaccine panel of expert ng bansa kasama ang Food and Drug Administration o FDA na pangunahing criteria ng bibilhing bakuna ay ang pagiging ligtas at epektibo alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Niliwanag ni Galvez na batay sa vaccine road map ng pamahalaan nasa 70 milyong pinoy ang target na mabakunahan ngayong taon.
Vic Somintac