Bilang ng nabiktima ng paputok sa pagsalubong sa 2021, umabot na sa 122
Umabot sa 122 fireworks-related injuries ang naitala ng Department of Health sa pagsalubong sa 2021.
Batay na rin ito sa naging monitoring ng DOH mula noong alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 21 ng 2020 hanggang alas- 5:59 ng umaga ng Enero 6 ng 2021.
Ayon sa DOH, ang naitalang FWRI cases ngayon ay mas mababa ng 70% o katumbas ng 290 na kaso kumpara sa kaparehong petsa noong pagsalubong sa taong 2020 at 79% o mas mababa ng 469 kaso sa nakalipas na limang taon.
Karamihan sa mga nabiktima ng paputok ay naitala sa National Capital Region o NCR at Region 1.
Karamihan sa kanila ay nabiktima ng mga paputok na kwitis, luces, 5-star, fountain at piccolo.
Kaugnay nito, inalis naman na ng DOH ang kanilang unang naitalang kaso ng stray bullet incident sa Masbate.
Batay kasi sa report ng Philippine National Police ay lumabas na ang kaso ay maituturing na isang shooting incident.
Gayunman, may bagong kaso naman ng biktima ng stray bullet injury. Ito ay isang 52-anyos na lalaki mula Paranaque City na naglalakad lamang umano sa kalsada nang biglang namanhid ang kanyang kaliwang braso noong Disyembre 29.
Iyon pala tinamaan sya ng ligaw na bala.
Wala namang iniulat na nasawi dahil sa paputok at wala ring naitalang insidente na may nakalulon ng paputok.
Madz Moratillo