WHO vaccine trial, magsisimula sa Metro Manila sa katapusan ng Enero o unang bahagi ng Pebrero
Nakatakdang simulan sa katapusan ng Enero o unang bahagi ng Pebrero, ang World Health Organization (WHO) Solidarity Trial sa Pilipinas, kung saan 15,000 ang target na lumahok sa Metro Manila pa lamang.
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), ang Philippine General Hospital (PGH) ang magiging lead agency sa WHO Solidarity Trial, habang lalahok din ang 11 iba pang mga ospital.
Nilinaw din ni Rowena Cristina Guevara ng DOST, na hiwalay ito sa maramihang COVID-19 vaccination na gagawin sa bansa.
Aniya, ang WHO Solidarity Trial ay isang global effort upang agad na masuri ang kaligtasan ang bisa ng candidate vaccines.
Labing-isang pagamutan aniya ang magsisilbing trial sites para sa WHO Solidarity Trial.
Gayunman, hindi pa inaanunsyo ng mga opisyal kung aling candidate vaccines ang gagamitin.
Ang Pilipinas T Colombia, ang unang dalawang bansa na magsisimula sa naturang trial.
Sinabi pa ni Guevarra, na magkakaroon ng zoning guidelines para sa WHO Solidarity Trial, para hindi magkaroon ng overlapping ng mga lugar kung saan naman gagawin ang independent clinical trial ng ibang bakuna.
Dagdag pa niya, una nang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang clinical trial application ng Janssen Pharmaceutical Companies ng Johnson & Johnson, habang inaprubahan naman nitong Biyernes (Jan. 8), ang Clover Biopharmaceuticals ng China.
Ang DOH ang mangunguna sa pagbuo ng communication plan upang maipaliwanag ng tama sa publiko ang WHO Solidarity Trial, ang independent clinical trials, at ang mass vaccination na gaganapin sa bansa ngayong taon.
Sinabi ni Guevarra, na bubuuin ang isang data at safety monitoring committee para tiyakin na malalaman ng lahat ng 15,000 participants sa WHO Solidarity Trial ang nature nito, at upang tiyakin na mamomonitor ng tama ang kanilang kondisyon
Sakali aniyang may mangyaring adverse effects, ay alam ng kinauukulan ang gagawin.
Apat na libo ang unang target para sa WHO Solidarity Trial na ang inaprubahang budget ay P89.1 million, subalit binago ng WHO ang kanilang plano at humiling ng 15,000 volunteers para sa trial.
Nakakuha naman ang DOST ng dagdag na budget na P384.4 million para sa global initiative, na aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang diin ni Guevarra na ito ay hindi immunization kundi trial.
Nanawagan din siya sa publiko na mag-volunteer para sa WHO Solidarity Trial, laluna yaong mga nasa lugar sa Metro Manila kung saan ito gagawin.
Liza Flores