Djokovic, Nadal, at Serena, sa Adelaide magku-quarantine hindi sa Melbourne
SYDNEY, Australia (AFP) – Sa Adelaide magku-quarantine ang tennis top stars sa halip na sa Melbourne at doon din maglalaro ng exhibition game, bago ang Australian Open, at ang Adelaide rin ang magho-host sa Women’s Tennis Association (WTA) event pagkatapos ng unang Grand Slam ngayong taon.
Nasa 1,270 players at support staff ang nakatakdang dumating sa Melbourne lulan ng charter flights sa huling bahagi ng linggong ito, kung saan sasailalim sila sa 14 days quarantine.
Subalit dahil kakaunti na ang bakanteng hotel room sa lungsod, sinabi ni Australian Open chief Craig Tiley na nilapitan niya ang South Australian government para ilipat muna sa kanila ang ilan sa mga manlalaro.
Naging kumplikado pa lalo ang sitwasyon nang isang hotel sa Melbourne na dapat ay tutuluyan ng mga manlalaro, ay umayaw na nitong Martes at napaulat na sanhi ito ng pangamba ng mga residente sa hotel.
Samantala, sumang-ayon si premier Steven Marshall na maging host ang Adelaide sa 50 katao sa isang quarantine bubble kung saan maglalaro ng isang exhibition game ang top stars ng tennis.
Sa isang official statement ay inanunsyo na ang January 29 exhibition ay katatampukan ng world’s top three men — Novak Djokovic, Rafael Nadal at Dominic Thiem – at dalawa sa top three women na sina Simona Halep at Naomi Osaka.
Hindi kasama ang world number one na si Ashleigh Barty, ngunit ang 23-time Grand Slam winner na si Serena Williams ay kasama, at may dalawa pang players na madaragdag sa exhibition game.
Ayon kay Tiley, ang kondisyon ng quarantine sa Adelaide ay magiging kapareho rin ng sa Melbourne, kung saan ang mga manlalaro ay papayagan lamang lumabas ng kanilang kwarto sa loob ng limang oras, para magpractice at magtrain sa isang bio-secure bubble.
Pagkatapos ng exhibition game ay didiretso na ang players sa Melbourne Park para sa 12-team ATP Cup, dalawang WTA tournaments at dalawang ATP events na gaganapin mula January 31 bago ang Australian Open sa February 8.
Inanunsyo rin ng ang extra WTA 500 tournament sa Adelaide pagkatapos ng Australian Open, mula February 22-27 na lalahukan ng 70 players.
© Agence France-Presse