Malunggay Powder, Paano ba Gawin?
Kumusta sa lahat! Sa araw na ito ay pag-uusapan natin ang proseso sa paggawa ng malunggay at ube powder, gamit ang iba-ibang paraan ng pagpapatuyo o drying method.
Ayon sa director ng food science and technology sa University of the Philippines, Los Banos Laguna, sinabi ni Dr. Lotis Mopera, na mahalaga na bago isagawa ang food processing o food preservation… dapat may kaalaman sa food safety o food sanitation.
Isa sa kanyang inihalimbawa ang proseso sa paggawa ng malunggay at ube powder.
Sa malunggay ay maaari anyang gumamit ng cabinet drying o kaya naman ay air drying.
Sa mga kababayan nating nagtatanim sa kani- kanilang bakuran, sinabi ni Dr. Mopera na kung gustong mapahaba ang shelf life ay kumuha lamang ng dahon ng malunggay, hugasang mabuti at tiyaking walang natitirang dumi ang malunggay. Pagkatapos ay maaari na itong ilagay sa isang food dehydrator o cabinet dryer, kung wala naman tayo ng mga nabanggit, sinabi ni Dr. Mopera na pwede ding i-hang o i-air dry ang dahon ng malunggay. Kaya lang mas matagal ang pagpapatuyo nito dahil sa depende sa humidity ng lugar na pagpapatuyuan.
Ayon pa kay Dr. Mopera, sa air tight container na walang exposure sa direktang sikat ng araw, maaaring tumagal ang malunggay powder ng hanggang anim na buwan.
Kung sa freezer naman ilalagay, maaaring tumagal ang malunggay powder ng hanggang isang taon.
Samantala, maaaring gamitin ang malunggay powder bilang tsaa, mas masarap ang lasa kung may honey at lemon. Pwede ding maging sangkap sa paggawa ng tinapay, cookies at cakes.
Magtanim na tayo ng malunggay!