Ika-264 taong pagkakatatag ng Bataan bilang isang lalawigan, ipinagdiriwang ngayong Enero 11
Ipinagdiriwang ngayong araw, Enero 11, ang ika-264 na taong pagkakatatag ng Bataan bilang isang lalawigan.
Dahil dito, walang pasok ngayong araw sa lahat ng antas ng paaralan maging sa mga pribado at pampublikong tanggapan, alinsunod na rin sa Republic Act (R.A.) 11138 na nagdedeklara sa nasabing petsa bilang isang special non working holiday sa Bataan.
Bagama’t may pandemya ay nagkaroon pa rin ng mga aktibidad para sa mga taga Bataan.
Ang mga naturang aktibidad ay sinimulan noong Enero 5, kung saan isinagawa ang Kulinasyon sa Bataan, isang paligsahan sa pagluluto ng delicacies ng lalawigan na sinalihan ng mga senior at junior high school students, mula sa ibat ibang bayan.
Isinagawa naman noong Enero 6 at 7 ang Laro ng Lahi, kung saan tampok dang ibat ibang palarong pinoy, na nilahukan ng mga kawani at empleyado ng pamahalaang panlalawigan at ng mga nasa lokal na pamalahalaan.
Enero 8 ay nagkaroon ng Game ka na ba sa Bataan, Ipagmalaki Mo Na Ika’y Bataeno. Isang tagisan ng talino na kinatatampukan ng kasaysayan ng Bataan.
Ngayong araw mismo ng selebrasyon ay gagawing birtwal ang pagdiriwang at pagtatanghal ng Tanghalang Tatsulok, kung saan isasadula ang alamat ni Vatan na batay sa kasaysayan ay pinagmulan ng pangalang Tangway na kalaunan ay naging Bataan.
Mapapanood din ito ng live sa Behold Bataan facebook page.
Ulat ni Josie Martinez