Paglobo ng kaso ng Covid-19 sa ikalawang linggo ng Enero, inaasahan na ng DOH
Inasahan na ng Department of Health o DOH ang paglobo ng kaso ng COVID 19 sa bansa sa kalagitnaan ng buwan ng Enero.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque dahil sa pagdiriwang ng holiday season at pagsalubong sa bagong taon ay magkakaroon talaga ng spike sa kaso ng COVID 19 dahil maraming tao ang lumabas sa kanilang mga tahanan.
Ayon kay Roque inihahanda ng DOH ang health care response ng pamahalaan upang tugunan ang paglaki ng bilang mga gagamit ng mga hospital facilities dahil sa pagdami ng kaso ng COVID 19 sa bansa.
Inihayag ni Roque sa nakalipas na dalawang araw ay kulang-kulang dalawang libo kada araw ang naitatalang karagdagang kaso ng COVID 19.
Niliwanag ni Roque hindi nagkulang ang pamahalaan sa pagbibigay babala sa publiko hinggil sa magiging epekto ng paglabas ng maraming tao noong holiday season hanggang sa pagsalubong sa bagong taon.
Vic Somintac