Task Force PhilHealth inendorso sa Ombudsman ang PACC report na nagrerekomenda na kasuhan ang 25 opisyal na sangkot sa pememeke ng membership at claims sa PhilHealth Region 1
Pormal nang inendorso ng Task Force PhilHealth sa Office of the Ombudsman ang report ng Presidential Anti-Corruption Commission na nagrerekomenda na kasuhan ang 25 indibidwal dahil sa pamemeke ng membership enrollment at benefit claims sa PhilHealth Regional Office 1.
Ayon kay Justice Assistant Secretary Neal Bainto, 25 kasalukuyan at dating opisyal ng PhilHealth na karamihan ay mula sa regional office ang pinasasampahan ng mga reklamong kriminal at administratibo.
Hindi naman tinukoy ng DOJ kung sinu-sino ang mga pinakakasuhang PhilHealth officials.
Mga reklamong falsification by public officer, malversation, usurpation of authority, mga paglabag sa Anti- Graft law, National Health Insurance Act of 1995, at grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service ang inirekomendang isampa laban sa mga opisyal.
Nabatid sa imbestigasyon ng PACC na nilikha ang fake account sa ilalim ng pangalang “Pamela Del Rosario” sa PhilHealth Regional Office 1 at ang mga kontribusyon ay naiapply at antedated.
Aabot sa 27 pekeng claims ang naisagawa sa nasabing pekeng account.
Inirekomenda rin sa PACC report na ipagharap ng reklamo ang mga opisyal at kawani ng PhilHealth na inatasang imbestigahan ang mga anomalya pero nabigong papanagutin ang mga sangkot.
Sinabi ng DOJ na navalidate nila ang report ng PACC at nakitang sapat na ito para ihain sa Ombudsman.
Moira Encina