Malakanyang, itinangging may pinapaborang bakuna laban sa Covid-19
Pinabulaanan ng Malakanyang ang akusasyon ng mga kritiko ng administrasyon na tila may pinapaborang bakuna laban sa COVID-19 ang pamahalaan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi totoo na mas prayoridad ng pamahalaang Pilipinas ang COVID-19 vaccine na gawa ng China dahil lahat naman ng mga vaccine manufacturer ay kinakausap ng pamahalaan sa pamamagitan ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez .
Ayon kay Roque kung mauuna man na dumating sa bansa ang Sinopharm anti-COVID 19 vaccine ng China hindi nangangahulugan na ito ang inuna at pinapaboran ng gobyerno.
Inihayag ni Roque dahil in demand masyado ang anti COVID 19 vaccine nag-aagawan sa supply ang lahat ng bansa sa buong mundo at nagkataon lamang na mas available ang Sinopharm ng China kaysa Pfizer at Moderna na gawa sa Amerika at AstraZeneca ng United Kingdom na ginagamit ng mga mayayamang bansa matapos mabigyan ng Emergency Use Authorization.
Binigyang-diin ni Roque hindi dapat na maliitin ang bisa ng anti COVID 19 vaccine na gawa ng China dahil lahat naman ng mga bakuna ay dumaan sa masusing pananaliksik at pumasa sa mga isinagawang clinical trial.
Magugunitang lahat ng Local Government Units na nagnanais makabili ng sariling anti COVID 19 vaccine ay pinili ang AstraZeneca ng United Kingdom.
Vic Somintac