Kaligtasan ng mga bakunang bibilhin ng PHL, prayoridad ng pamahalaan-Malakanyang
Pinawi ng Malakanyang ang agam-agam ng publiko sa kaligtasan ng mga bakuna laban sa COVID 19 na bibilhin ng Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na malinaw ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga regulatory agencies ng pamahalaan na pinangungunahan ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) na tiyaking ligtas at epektibo ang bibilhing anti COVID-19 vaccine.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos mapaulat na 23 Senior citizens sa bansang Norway ang namatay at iniuugnay sa umano’y side effect ng Pfizer Biontech vaccine na gawa ng Amerika at Germany.
Ayon kay Roque, sinabi ni FDA Director General Dr. Eric Domingo na bagama’t nabigyan na ng Emergency Use Authorization (EUA) ang PFizer Biontech ay maaari pa rin itong bawiin kung mapatutunayang mayroon talagang masamang epekto.
Inihayag ni Roque na maging si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez ay nagsabi na magiging maingat ang pamahalaan sa pagpili ng bakunang gagamitin sa mga Pinoy kaugnay ng Mass Vaccination program ng gobyerno.
Niliwanag ni Roque sa ngayon pawang nasa final stage na ang negosasyon ng Pilipinas sa mga anti COVID 19 vaccine na kinabibilangan ng AstraZeneca, Johnson and Johnson, Pfizer, Novavax, Moderna, Sinovac, Sinopharm at Sputnik V Gamaleya.
Vic Somintac