Umano’y katiwalian sa pagbili ng Gobyerno ng COVID-19 vaccine, sisilipin ng Senado
Sisilipin ng Senado ang posibleng katiwalian sa pagbili ng bakuna ng Gobyerno kontra Covid-19.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, posibleng muling ipatawag sa panibagong pagdinig ng Senado sina Vaccine Czar Carlito Galvez at Health secretary Francisco Duque III.
Ayon sa Senador, sa halip na malinawan ay lalo aniyang lumabo ang detalye ng Vaccination program ng gobyerno.
Marami umano kasing inconsistencies sina Galvez at Duque nang tumanggi sa pagdinig ng Senado na idetalye ang presyo ng Sinovac dahil sa umano’y Confidentiality Agreement.
Taliwas ito sa pahayag ni GO Negosyo Chairman Joey Concepcion na maaaring mabili ang bakuna ng Sinovac sa halagang 5 dolyar.
Mababa rin aniya ito kumpara sa naunang isinumite ng Department of Health (DOH) sa Senado na P3,629 ang dalawang turok ng bakuna. Sinabi ni Lacson “If it’s true that government is now dropping the price of Sinovac vaccine from P1,847.25 per dose to only P650, the Senate has probably done our share to save our people billions of pesos in the country’s vaccination program. Netizens can pat themselves on the back“.
Dagdag pa ng Senador “The difference in prices of Sinovac vaccine at US$5, US$14 and US$38 reminds me of an old story about how corruption is committed in three Southeast Asian countries – UNDER the table, ON the table, and INCLUDING the table“.
Samantala, duda rin si Senador Imee Marcos kung bakit itinatago ng mga opisyal ng Gobyerno ang presyo ng Sinovac.
Hindi aniya malayong pagdudahan ang mga ito na kumita sa transaksyon ng bakuna.
Ayon kay Marcos, dapat itong suriing mabuti dahil bakit bibili na ang Gobyerno ng bakuna mula sa Sinovac gayong hindi pa ito nag-aaplay ng permit sa Food and Drug Administration (FDA).
Iginiit naman ni Senate Minority leader Franklin Drilon na marami pang tanong na hindi nasasagot.
Paalala ng Senador, mahalaga ang transparency para makuha ang tiwala ng publiko na magpaturok ng bakuna.
Meanne Corvera