Travel ban, hindi aalisin ng US sa kabila ng pahayag ni Trump
WASHINGTON, United States (Agence France-Presse) — Agad na ibinasura ng tagapagsalita ni US President-elect Joe Biden, ang inanunsyo ni Donald Trump nitong Lunes, na ang COVID-19 ban sa mga traveler na darating mula sa mga bansa sa Europe at Brazil ay aalisin na.
Sa tweet ni Jen Psaki, press secretary ni Biden, sa advice na rin ng kanilang medical team, walang intensyon ang Administrasyon na alisin ang restriksyon sa January 26.
Ang totoo aniya, plano pa nilang palakasin ang public health measures sa international travel para lalo pang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Dagdag pa ni Psaki, hindi ito ang panahon para alisin ang restriksyon sa international travel dahil sa paglala ng pandemya at paglitaw ng mas nakahahawang variant.
Ilang minuto bago ang tweet ni Psaki, ay ipinahayag ni President Trump na aalisin na niya ang travel ban sa Europe at Brazil pero mamamalagi ang travel ban para sa China at Iran.
Ang dalawang pahayag ay lumabas ilang araw matapos i-anunsyo ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), na lahat ng air passengers na patungong US ay dapat na negatibo ang resulta ng COVID-19 test tatlong araw bago ang kanilang departure.
Hanggang nitong Lunes, ang US ay nakapagtala na ng higit 24 milyong kaso ng COVID-19, kung saan halos 400,000 na ang namatay.
Liza Flores