Mga Senador, hati sa desisyong ipawalang-bisa ang kasunduan ng DND at UP
Hati ang mga Senador sa desisyon ng Department of National Defense (DND) na ipawalang-bisa ang kasunduan nito sa University of the Philippines.
Angkasunduan ay kaugnay ng pagbabawal sa presensya ng militar at pulis sa mga UP campus.
Para kay Senador Ronald Dela Rosa, dapat matagal nang kinansela ng DND ang kasunduan.
Nagpapagamit aniya kasi ang eskwelahan sa makakaliwang grupo o Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Senador Dela Rosa:
“It is long overdue. The Government was fooled by the CPP-NPA-NDF in the last 31 years thru that agreement”.
Samantala, nirerespeto rin ni Senador Bong Go ang hakbang ng DND.
Aniya, sayang ang buwis na inilalaan sa mga iskolar ng bayan at sa nasabing eskwelahan dahil lumalaban lamang sila at nananawagan ng pagpapabagsak sa Gobyerno.
Nirerespeto aniya niya ang Freedom of Expression pero nagagamit na rin itong sangkalan laban sa Gobyerno.
Senador Bong Go:
“Fixed term ang ating Pangulo, respestuhin ninyo. Matapos ang 2022 kung gusto nyo kayo tumakbo, huwag lang po umabot sa puntong maghihimagsik na at aabot sa rebelyon na pababagkasin ang Gobyerno”.
“Hindi naman po lahat pero iilan lang na nagagamit manawagan pabagsakin ang Gibyerno. Hindi naman kayo pinaaral para pabagsakin ang ating Gobyerno. Mag-aral po kayo, makapagtapos at tumulong sa ating Gobyerno”.
Pero ang ilang mambabatas, naghain ng resolusyon para hilingin na irekonsidera ng DND ang kanilang desisyon.
Sa Resolution No. 616, hinimok ng mga Senador ang DND at UP na magkaroon ng dayalogo para maayos ang anumang gusot.
Mahalaga ayon sa mga Senador ang dayalogo para makabuo ng kasunduan para protektahan ang Academic freedom at seguridad ng mga kabataan.
Kasama sa mga lumagda sa Resolusyon sina President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis Pangilinan, Risa Hontiveros, Leila de Lima, at Nancy Binay.
Naghain rin ng hiwalay na panukala si Senador Joel Villanueva.
Ayon sa Senador, marami naman ang mekanismo para masolusyunan ang isyu nang hindi na kailangang kanselahin ang kasunduan.
Meanne Corvera