Hirit ng mga manggagawa na taas sahod, ipinauubaya ng Malakanyang sa RTWPB
Bahala ang Regional Tripartite Wage and Productivity Board na magpasya kung pagbibigyan ang hirit ng mga manggagawa na taasan ang kanilang suweldo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque ang Regional Wage and Productivity Board ang binigyan ng batas ng karapatan na madesisyon sa usapin sa umento sa sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Roque sa ngayon kailangan ang masusing pag-aaral sa hirit ng mga manggagawa na wage hike dahil dapat balansehin ang kapakanan ng mga manggagawa at mga mamumuhunan ngayong panahon ng pananalasa ng pandemya ng COVID-19.
Inihayag ni Roque na hindi kaila na maraming mga negosyo ang nagsara at ang iba ay nagbawas ng mga tauhan dahil sa epekto ng COVID-19 Pandemic sa ekonomiya sa buong mundo.
Nais ng mga manggagawa na taasan ang kanilang sahod dahil din sa epekto ng Pandemya ng COVID-19 kung saan tumaas ang presyo ng lahat ng mga bilihin.
Vic Somintac