Resolusyong nagbabasura sa Motions to Inhibit ni dating Senador Marcos at OSG laban kay Justice Leonen, inilabas na ng PET
Nabigo umano ang kampo ni dating Senador Bongbong Marcos at ng Office of the Solicitor General (OSG) na makapagprisinta ng malinaw na batayan para mag-inhibit sa paghawak sa Election Protest si Supreme Court Justice Marvic Leonen.
Ito ang nakasaad sa mahigit 30-pahinang resolusyon ng Presidential Electoral Tribunal kaugnay sa magkahiwalay na motion to inhibit na inihain ni Marcos at ng OSG laban kay Leonen na inilabas lang kamakailan.
Ayon sa PET, nabigo si Marcos at OSG na makapagbigay ng convincing na ebidensya na mayroong bias si Leonen para mapangatwiranan ang hirit na inhibition.
Wala rin anilang batayan ang alegasyon na mayroong undue delay sa pagresolba sa kaso ni Marcos dahil walang patakaran na kailangang maresolba ang protesta sa loob ng 20 buwan o 12 buwan.
Ipinaalala pa ng PET na ang Supreme Court ay isang collegial body kaya ito ay nagpapasya sa mga kaso sa pamamagitan ng majority vote ng mga miyembro.
Kaya anumang direktiba o ruling na inilalabas ng Tribunal ay hindi iniutos o pinagpasyahan ng iisang mahistrado kundi ng lahat ng miyembro.
Ayon pa sa PET, ang member-in-charge o ponente ay nagrerekomenda lamang ng aksyon.
Pinabulaanan din sa resolusyon ang paratang na na-prejudged, partial, at vengeful kay Marcos si Leonen.
Nais nina Marcos at ng OSG na bitiwan ni Leonen ang kaso dahil sa sinasabing pagiging bias at pag-delay sa protesta.
Iginiit din ni Marcos na kung mananatili si Leonen na ponente ng kaso ay patuloy na uupuan nito ang apat na taon niyang protesta hanggang sa maging moot and academic na ito dahil sa 2022 elections.
Moira Encina