DOH hihingin na ang tulong ng NBI para mahanap ang iba pang close contact ng Pinoy na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19
Kakatulungin na rin ng Department of Health (DOH) ang National Bureau of Investigation (NBI) para mahanap ang dalawa pang pasahero ng Emirates flight EK 332 na naka-close contact ng 29-anyos na Pinoy at kauna-unahang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, nakipag-ugnayan na sila sa Department of Justice (DOJ) upang mahingi ang tulong ng NBI na mahanap ang dalawang nasabing pasahero.
Maaari aniyang mas mabilis mahanap ang dalawang ito sa database ng NBI.
Paliwanag ni Vergeire, hirap silang mahanap ang mga ito pagkat ang isa rito ang numero na binigay kasi ay ang numero niya ng telepono sa abroad, habang ang isa naman ay mali ang ibinigay na numero.
Ang kanilang address naman ay walang numero ng bahay o pangalan ng kalsada kaya hirap maging ang pulisya sa paghahanap sa kanila.
Ang dalawang ito na lamang ang natitirang close contact ng UK variant case na hinahanap ng DOH.
Ang isa kasi aniya na taga Region 7 ay nahanap na kagabi.
Madz Moratillo