Inbound passengers na galing sa mga bansang may travel restrictions, kinakailangan na ngayong sumailalim sa 2nd COVID-19 testing
Kailangan nang sumailalim sa ikalawang RT-PCR o swab test, ang mga indibidwal na magmumula sa mga bansang may travel restrictions sa ika-limang araw ng kanilang quarantine.
Ang bagong requirement ay inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque, para sa mga taong manggagaling o dumaan sa United Kingdom, Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, the Netherlands, China at Hong Kong, Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada, Spain, the United States, Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, Brazil, Austria, Pakistan, Jamaica, Luxembourg, Oman, Hungary at sa United Arab Emirates, matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na ang kasintahang babae at ina ng UK COVID-19 index case sa Pilipinas, ay nagpositibo lamang sa COVID-19 matapos silang i-swab na muli.
Ang mga byahero ay kailangang manatiling naka-quarantine hanggang sa lumabas ang resulta ng test.
Sinabi ni Roque, na ang mga magne-negatibo sa dalawang COVID-19 tests ay i-e-endorso naman sa local government units ng kanilang destinasyon.
Aniya, ang mga LGU naman ay mahigpit na imo-monitor ang natitira sa 14 na araw na quarantine, sa pamamagitan ng kani-kanilang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT).
Nilinaw din ng opisyal, na hindi lahat ng dayuhan mula sa nabanggit na mga bansang may travel restrictions, ay pansamantalang naka-ban sa pagpasok sa bansa.
Aniya, ang mga dayuhan na nagsisilbing personnel ng accredited international organizations, kasama ng kanilang asawa at minor children na Filipino citizens na kasama nila sa byahe, ay papayagang pumasok sa bansa ngunit kailangang sumailalim sa quarantine at testing requirements.
Liza Flores