Florida, hihingi ng proof of residence para sa bibigyan ng vaccines
MIAMI, Florida ( Agence France Presse) – Hihingi na ang Florida ng proof of residence, para sa mga bibigyan ng COVID-19 vaccine, para pigilan ang tinatawag na “vaccine tourism.”
Ginawa ang desisyon matapos mapaulat na nagpupuntahan sa Florida ang mga residente ng ibang estado at maging mga tao galing sa ibang bansa, para makapagpabakuna.
Sa kasalukuyan, ang Florida ay nagbibigay ng bakuna sa kahit sinong lampas ng edad 65.
Bagamat ang estado ay nakapagbakuna na ng higit 1.3 million doses, ang proseso ay mabagal at magulo.
Sa isang public advisory nitong Huwebes, ipinahiwatig ng Surgeon General ng Florida na si Scott Rivkees, na ang mga aplikante ay kailangang magpakita ng proof of residence, gaya ng driver’s license, utility bill o sulat galing sa isang bangko para sila mabigyan ng bakuna.
Ang Florida ay tahanan ng malaking populasyon ng immigrants, kung saan isa sa limang residente rito ay isinilang sa ibang bansa.
Sa isang pag-aaral noong Agosto na ginawa ng American Immigration Council, lumitaw na nasa 775,000 undocumented migrants ang naninirahan sa Florida, kumakatawan sa nasa 18 porsyento ng immigrant population.
Dahil hindi makakuha ng Florida driver’s license, marami ang nagpaparehistro sa public services sa ilalim ng ibang pangalan.
Sinabi ni Lily Ostrer, isang manggagamot sa Jackson Memorial Hospital, nakalulungkot na ang bagong regulasyon ay magiging sanhi para hindi mabakunahan ang ilan sa aniya’y “most vulnerable people” sa kanilang komunidad na pawang mga undocumented.
Ayon naman kay Thomas Kennedy, coordinator para sa nonprofit United We Dream organization ng Florida, hindi lamang nito pinipigilan ang maraming residente ng Florida, kabilang ang mga walang dokumentong imigrante, kundi pati ang mga taong walang access sa pabahay o mga tao na napakababa ng kita kaya’t hindi makakuha ng dokumentasyon, na mabigyan ng pagkakataong mabakunahan.
Liza Flores