Mandatory SIM cards registration, iginiit dahil sa lumalalang krimen gamit ang cellphones
Isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang mandatory registration ng mga prepaid SIM card.
Ito’y bilang paraan ng pagsugpo sa online sexual exploitation of children at iba pang uri ng krimen.
Ayon sa Senador, ang kawalan ng batas sa SIM card registration ay isa mga dahilan kaya nahihirapan ang mga otoridad na tugisin ang mga child cybersex offenders na ginagamit ang teknolohiya.
Katunayan sa pag-aaral aniya ng United Nations Office on Drug and Crime noong 2014, ginagamit ng mga child cybersex offenders ang mga disposable na prepaid SIM cards upang hindi sila matunton.
Sa Senate Bill No. 176 ni gatchalian o Subscriber Identity Module Card Registration Act, ang mga gumagamit ng prepaid SIM cards ay kailangan nang magsumite ng valid ID at larawan at lumagda sa isang control-numbered registration form mula sa service provider ng SIM card.
Magbibigay din ng kopya ng naturang registration form sa National Telecommunications Commission (NTC).
Batay rin aniya sa non-government organization na International Justice Mission, ang Pilipinas ang pinagmumulan ng pinakamaraming mga kasong may kinalaman sa online sexual exploitation.
Statement Senador Gatchalian:
“Sa ating pagsugpo sa Child pornography, kailangan nating isulong ang lahat ng paraan upang mapabilis ang pagtugis sa mga kriminal sa likod ng mga karahasang ito. Kung magiging batas ang pagpaparehistro sa mga prepaid SIM card, mas mahirap nang makapagtago at makatakas ang mga traffickers na umaabuso sa ating mga kabataan”.
Meanne Corvera