Pangulo ng Mexico, nahawaan ng COVID-19
MEXICO CITY, Mexico (Agence France Presse) – Inanunsyo nitong Linggo ni Mexican president Andres Manuel Lopez Obrador, na nahawaan siya ng coronavirus, subalit mild lamang ang kaniyang mga sintomas at sumasailalim na siya sa medical treatment.
Ang 67-anyos na leftwing populist ay bihirang makitang nakasuot ng facemask, at kahit may pandemya ay tuloy pa rin sa kaniyang mga aktibidad.
Sinabi ni Lopez Obrador na patuloy siyang magtatrabaho mula sa presidential palace, at aatasan ang kaniyang interior ministry para katawanin siya sa kaniyang daily news conference sa linggong ito.
Una na siyang nagkaroon ng problema sa puso, kung saan kinailangan siyang ipasok sa isang pribadong ospital noong 2013, at mayroon din siyang hypertension.
Si Lopez Obrador ay kabilang na ngayon sa lider ng mga bansa na nahawaan ng virus, gaya nina dating US president Donald Trump, Brazilian president Jair Bolsonaro at British prime minister Boris Johnson, at iba pa.
Ang Mexico ay opisyal na nakapagtala ng higit sa 1.75 million coronavirus cases at halos 150,000 na ang namatay, pang-apat sa may pinakamataas na bilang ng namatay kasunod ng Estados Unidos, Brazil at India.
Simula pa sa kalagitnaan ng Disyembre ng nakalipas na taon, ang Mexico City ay nasa ilalim na ng state of maximum alert, kung saan higit 90 percent ng kanilang hospital beds ay puno na dahil sa mataas na bilang ng infections, at sinuspinde na rin ang non-essential activities sa kapitolyo.
Liza Flores