DOH: Ilang close contact ng UK variant cases, nagpositibo rin sa COVID-19
Natukoy na ng Department of Health (DOH) ang ilan sa mga nagkaroon ng close contact sa mga UK variant case ng COVID-19 na naitala sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, sa 12 na nagpositibo sa UK variant sa Bontoc, Mountain Province ay may 144 close contact na silang natukoy.
Sa 144 na ito ay 116 na ang naisailalim sa COVID-19 testing at may 34 na nagpositibo.
Pero ayon kay Vergeire bagamat nagpositibo sa virus ay hindi naman ito UK variant.
Sa 2 UK variant case naman sa La Trinidad, Benguet ay may 97 close contact nang nahanap ang DOH.
May 4 naman na nagpositibo rito, ito ay ang mga kasama sa bahay ng UK variant case, gaya ng kanyang magulang, kapatid at lola.
Sinabi ni Vergeire na lahat ng mga ito ay naka-isolate at naka-quarantine na.
Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na nahanap na rin nila ang isang returning overseas Filipino mula sa Lebanon na nagpositibo sa UK variant at ito ay taga-Iloilo.
Ang taga-Binangonan naman ay patuloy pa aniyang bineberipika ng kanilang DOH Regional office.
Madz Moratillo