Mga Senador, kinondena ang kapalpakan ng militar sa Red Tagging
Kinondena ng mga Senador ang kapalpakan ng Department of National Defense (DND) sa isyu ng red tagging.
Kasunod ito ng pagkakamali ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa listahan ng mga umano’y narecruit ng New People’s Army (NPA) mula sa University of the Philippines.
Kwestyon ni Senador Risa Hontiveros, saan ginagastos ng AFP at DND ang napakalaki nilang intelligence fund.
Masyado aniyang palpak at malisyoso ang inilabas na listahan ng AFP kung saan kabilang ang pangalan ng mga estudyanteng umano’y narecruit ng Communist Party of the Philippines.
Babala ng Senador, malaking panganib ito lalu na sa mga maaaring mapasama sa mga na–red tag.
Ayon sa Senado, tama na humingi ng paumanhin ang Sandatahang Lakas pero dapat aniyang itigil na ang Red tagging.
Senador Risa Hontiveros:
“Dapat talaga mag-cease and desist na yung ating Sandatahang Lakas pati yung Pambansang Pulisya sa ganitong red tagging hindi lang dahil napapahiya sila pero dahil napapahamak ang mga sibilyan at mga mamamayan”.
Kinondena rin nito ang naging pahayag ng AFP na may shabu laboratory sa loob ng UP Campus at nagpaalala na huwag sayangin ang kanilang Intel Funds sa walang kuwentang bagay.
Samantala, dismayado si Senador Panfilo Lacson sa kapalpakan ng AFP.
Kung siya aniya ang tatanungin, dapat aniyang patawan ng parusa ang sinumang nagbigay ng maling impormasyon.
Dahil sa aniya’y mga kapalpakan ng Sandatahang Lakas, inamin ni Lacson na rerebisahin muli ng Committee on National Defense ang kanilang initial findings kaugnay ng ginawang pagdinig sa Red Tagging.
Nais ng Senador na i-validate muna ng militar ang kanilang isinumiteng report sa Senado.
Kinukuwestyon nito ang desisyon ng Sandatahang Lakas na ipawalang-bisa ang kasunduan nito sa UP dahil sa mga false information.
Senador Ping Lacson:
“Kasi nga they based their decision in suspending or terminating yung UP-DND accord on what appears now to be false information. They included personalities na sinabing captured or killed in action by the military. Yun pala, nandyan buhay at hindi naman pala na-capture at all”.
“They should be made to explain and they should really be sanctioned by the AFP leadership if not the DND – not only for putting the defense establishment in an awkward and embarrassing position but more so, the possible dire consequences that could occur because of such irresponsible and imprudent act“.
Nababahala rin si Senador Francis Pangilinan dahil ang kapalpakan aniya ay senyales ng pamumulitika at unprofessionalism ng Sandatahang Lakas.
Dapat lamang aniyang may managot sa nangyaring kapabayaan.
Senador Kiko Pangilinan:
“Ang pagkakamaling ito ay nakababahala dahil senyales ito na kumakalat na ang unprofessionalism at pamumulitika sa AFP. Dapat natin tandaan na ang politicized at unprofessional Armed Forces”.
Meanne Corvera