Malaking bahagi ng isang kagubatan sa Argentina, tatlong araw nang nasusunog
BUENOS AIRES, Argentina (Agence France-Presse) — Tatlong araw nang nilalamon ng apoy ang malawak na bahagi ng isang kagubatan sa timog ng Argentina, na ang sukat ay halos kalahati na ng Liechtenstein.
Ayon sa mga opisyal, nasa 100 mga pamatay sunog, 26 na trak ng bumbero, dalawang water-bombing helicopters, at dalawang eroplano na ang nagtutulong tulong para apulahin ang sunog sa rehiyon na bihirang pangyarihan ng forest fires.
Ang sunog na hindi pa batid ang pinagmulan, ay nagbabanta ngayon sa malawak na rehiyon sa paligid ng El Bolson, isang bayan na may 18,000 residente, na nasa Rio Negro province sa northern Patagonia.
Hanggang nitong Miyerkoles ay nasa 8,500 ektarya na ang nilamon ng apoy.
Nakasagabal pa sa pagsisikap ng mga bumbero na apulahin ang apoy, ang mga tigang na mga pananim dulot ng kamakailan lamang ay naranasang tagtuyot, mainit na temperatura at malakas na ihip ng hangin.
Sinabi ni El Bolson civil protection official Leandro Romairone, na wala pa namang populated area na nanganganib na madamay sa ngayon, at wala pa rin silang planong magsagawa ng evacuation.
Samantala, hindi bababa sa apat na bumbero ang dinala sa pagamutan dahil sa tinamong injuries habang inaapula ang sunog.
Liza Flores