Malaking bahagi ng bansa, patuloy na makararanas ng malamig na panahon dahil sa Amihan
Patuloy na makararanas ng malamig na panahon ang malaking bahagi ng bansa kasama ang Metro Manila dahil sa malakas na Northeast Monsoon o Amihan.
Ayon sa Pag-Asa DOST, dahil sa Amihan, makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol region, Aurora at Quezon.
Ang Metro Manila naman at nalalabing bahagi ng Luzon ay magiging bahagyang maulap ang papawirin na may isolated na mahihinang pag-ulan.
Maaaring pumalo sa 10 degree celsius ang temperatura sa Baguio City ngayong araw, sa Laoag ay 18 degree celsius at sa Tuguegarao ay 18 to 26 degree celsius at sa Metro Manila ay 20 hanggang 29 degree celsius.
Dulot pa rin ng Amihan ay asahan ang maulap na papawirin na may mga pag-ulan sa Eastern Visayas kasama ang Caraga at Northern Mindanao habang sa nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao ay may isolated rainshowers ang mararanasan.
Wala namang namomonitor na sama ng panahon ang weather bureau na maaaring mabuo sa mga susunod na araw.