US, nagbabalang kikilos matapos iditini ng militar ang mga opisyal ng Myanmar
WASHINGTON, United States (Agence France-Presse) – Hinimok ng Estados Unidos ang Myanmar military, na pakawalan na ang idinitining mga opisyal kasama ang de facto leader na si Aung San Suu Kyi.
Nagbabala rin ang US na kikilos laban sa anila’y isang malinaw na kudeta.
Si Suu Kyi at Myanmar President Win Myint, ay idinitini ng militar matapos ang ilang linggo ring tensyon sa pagitan ng militar at civilian government, kaugnay ng mga alegasyon ng dayaan sa halalan noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Sinabi ni White House spokeswoman Jen Psaki, na tutol ang Estados Unidos sa anumang pagtatangkang baguhin ang kinalabasan ng katatapos na eleksyon, o hadlangan ang democratic transition sa Myanmar.
Kikilos din aniya ang America laban sa mga responsable sa pagkakaditini ng nabanggit na mga opisyal.
Hinikayat din ni Psaki ang militar at lahat ng partido na sumunod sa demokratikong pamantayan at sa patakaran ng batas, at palayain na ang mga opisyal na nakaditini.
Nitong nagdaang linggo ay nagpahiwatig ang militar, na aagawin ang kapangyarihan para ayusin ang inaangkin nilang mga iregularidad sa naganap na eleksyon, na madaling napagwagian ng National League for Democracy (NLD) ni Suu Kyi.
Liza Flores