Mock Bar exams para sa kauna-unahang digitalized Bar examinations, matagumpay
Naging matagumpay ang isinagawang pilot Bar examinations ng Korte Suprema para sa kauna- unahang localized at digitalized Bar examinations sa Nobyembre.
Ito ang inihayag ng Supreme Court matapos ang idinaos na pilot Bar exams nitong Linggo.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, kabuuang 80 Law students ang lumahok sa mock Bar exams na idinaos sa apat na testing sites sa Baguio City, Quezon City, Cebu City at Davao City.
Nagsagawa ng simulation ng pagsusulit para ma-validate ang mga gagamiting digital standards at protocols sa aktuwal na Bar exams.
Inobserbahan din ni Chief Justice Diosdado Peralta at ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang aktibidad.
Nakatuwang din ng Supreme Court sa Pilot Bar Exams ang Philippine Association of Law Schools at mga Unibersidad kung saan ginanap ang mock Bar exams.
Ilalabas ng SC sa kalagitnaan ng Pebrero ang mga anunsiyo ukol sa modality o paraan ng pagsasagawa ng Bar exams.
Moira Encina