PHL Economic Team, nakikiramdam muna sa epekto ng UK variant ng Covid-19 bago tuluyang buksan ang ekonomiya
Aminado ang economic team ng pamahalaan na inoobserbahan muna ang epekto ng United Kingdom variant ng COVID-19 matapos makapasok sa bansa.
Sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) Acting Director General Secretary Karl Chua na bagamat gustong-gusto na ng economic team ng pamahalaan na luwagan na nang husto ang ekonomiya, kinakailangang ikonsidera ang epekto ng bagong variant ng COVID-19 baka lalong magkaroon ng problema dahil wala pa ang bakuna sa bansa.
Ayon kay Chua kung mananatiling manageable ang kaso ng COVID-19 ngayong buwan ng Pebrero ay irerekomenda na ng economic team kay Pangulong Rodrigo Duterte na buksan nang tuluyan ang ekonomiya dahil sa buwan ng Marso ay mag-uumpisa na ang roll out ng anti-COVID-19 vaccine.
Inihayag ni Chua na kailangang makabangon ang ekonomiya ng bansa dahil sa nakalipas na taon ay bumagsak sa negative 9.5 percent ang kabuhayan dulot ng pandemya ng COVID-19 matapos magpatupad ng mahigpit na Quarantine Protocol.
Niliwanag ni Chua na kahit nakapasok na sa bansa ang UK variant ng COVID- 19 ay hindi binabago ng economic team ng pamahalaan ang economic growth projection ngayong taon na 6.5 hanggang 7.5 percent.
Vic Somintac